reposting… Showing uli: Feb. 6,7,8.13,14,15 8pm, Feb. 7,8,14,15 3pm, Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater)
—
Winner! Ang Lola Mo! (Ang Kagila-gilalas na Sugo na si Zsazsa Zaturnnah)
ni Michael Ian Lomongo
Ano pa ba’ng masasabi ko sa “Zsazsa Zaturnnah ze Muzikal” ng Tanghalang Pilipino kundi pawang papuri?
Gustung-gusto ko ang musika at ang mga nagsiganap; punung-puno sila ng puso. Jologs na produksyon, low-tech. Walang kagila-gilalas sa mga “special effect” nito. Ngunit kamangha-mangha at nag-uumapaw sa puso, imahinasyon, at pagkamalikhain ang buong produksyon. Pasasalamat at papuri sa may-akda (Carlo Vergara), tagapagsalin sa dula (Chris Martinez), direktor (Chris Millado), kompositor (Vince de Jesus), at sa mga aktor (Eula Valdes, Arnold Reyes, Lauren Novero, Kalila Aguilos, Wilma Doesnt, Vincent de Jesus, Tuxqs Rutaquio, Ricci Chan, Joey Paras, Nar Cabico, et al.).
Nakakaaliw panoorin. Hindi sayang ang panahon at perang gugugulin mo sa panonood nito. Ngunit sa pagtatapos ng tawanan ay ang paghahanap ng kahulugan. Kung kaya pagtutuunan ko ng pansin ang isang tanong na sa palagay ko’y ibinabato sa atin ng kwento ni Zsazsa Zaturnnah:
Paano ba maging isang superhero o kaya’y bayani?
Saan nagmumula ang mga pangyayari upang ang isang tao ay maging bayani? Likas ba ito sa kalooban ng isang tao, o aksidenteng lumalabas ayon sa mga pagkakataon? Galing sa loob o sa labas? Basal (native) ba ito o dayuhan?
Likas versus likha
Ayon sa telenovelang “Sugo” ng GMA 7, ang kabayanihan at pagiging sugo ay batay sa kalikasan, batay sa dugong nananalaytay sa ugat ng isang tao. Kung galing ka sa dugo ni Konde Vergonze, naroroon ang posibilidad ng maaari kang maging sugo.
Sa unang tingin, ang “dugo” ay nagpapakita ng pagiging likas. Ang pagiging likas kasi ay kadalasang tinitingnan bilang kabaligtaran ng artipisyal. Kapag sinabing “artipisyal,” hindi likas. Sa halip, nilikha. Ginawa. (Bukod dito, may konotasyon din ang “artipisyal” ng pagiging peke, ng hindi pagiging tapat, ng pagiging “plastik.”)
Sa analohiya ng mga konsepto, ang likas o basal ay naiuugnay sa loob. Ang artipisyal, likha, gawa ay naiuugnay sa labas. At dahil mula sa labas, dayuhan.
Kakatwa na sa “Sugo,” ang dayuhan, si Konde Vergonze ang bayani o bida; samantalang si Apo Abukay, ang basal, ang kontrabida. Parang sinabi mong si Lapulapu ang kontrabida at si Magellan ang bida.
Pero hindi naman talaga ganoon kakatwa. Pag-uulit lang ito ng salaysay ng “Kristiyanismo,” o ng maka-banyagang kaisipan. Si Konde Vergonze, Kristiyano, puti ang balat, ay alagad ng kabutihan (ng Dakilang Mananakop); si Apo Abukay, pagano, kayumanggi, ay kampon ng kadiliman. Ang babaylan, sa “Sugo,” ay muling pinaratangan bilang pangunahing tagapaglingkod ng kasamaan.
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ayoko sa “Sugo.” Sinisira nito ang ibinabangong pagpapahalaga sa sariling atin at muling kinukupkop ang pananaw ng mga dayuhang sumakop sa atin. Hindi lang iyon. Pinapapaniwala tayo na ang kabayanihan ay likas, nagmumula sa “dugo.” Ikaw ay “Sugo” dahil sa dugo. (Ikaw ay tunay na Pilipino dahil sa dugo.) Mapanganib ang pananaw na ito dahil kung ang kabayanihan (o ang pagiging tunay na Pilipino) ay likas dahil sa dugo, hindi na pala ito kailangan pang pagsumikapan. Nasa ‘yo na ‘yan o wala. Wala ka nang magagawa pa.
Ngunit kung tutuusin, ang “dugo” ay labas sa ating pagkatao. Bunga ng aksidente. Ang kalooban, sa kabilang banda, ay ang pinaka-ubod ng ating pagkatao. Higit na mahalaga ang kalooban. Ito ang bukal na pinagmumulan ng mga pagpili na maaaring kalabasan ng pagiging bayani o superhero ng isang tao. Ngunit kahit ang kalooban man ay maaaring hubugin, kundi man likhain. Para maging likas sa kalooban, kinakailangang paulit-ulit na piliin at pagsumikapan, hanggang maging kaugalian.
Sa loob at labas
Dumako naman tayo sa kuwento ni Zsazsa Zaturnnah… Saan ba nagmumula ang kabayanihan?
Sa mahiwagang bato galing ang pambihirang lakas ni Zsazsa. Ngunit dito rin ba galing ang kabayanihan niya? Sa bato galing ang tibay ng dibdib niya, ngunit dito rin ba galing ang lakas ng loob niya?
Muli, saan ba nagmumula ang kabayanihan?
Ayon sa kwento ni Zsazsa, sa kalooban. Ngunit sa labas din (sanhi ng mga pangyayari sa paligid.)
Mabuti ang kalooban ni Ada. Ngunit kung hindi bumagsak ang mahiwagang bato sa kanyang banyo at makumbinsi siya ni Diding lunukin ito, hindi siya magiging Zsazsa Zaturnnah.
Pambihira ang lakas ni Zsazsa. Ngunit kung hindi dumating ang higanteng palaka, mga zombie, at mga Amazonistas, maaaring natuloy ang plano ni Didi na lumabas na lang sa perya si Zsazsa.
Ang katotohanan ng kalooban ay sinusubok sa labas sa pamamagitan ng mga hamon ng mga pagkakataon at pangyayari sa paligid. Ang pagpapatunay ng kalooban ay dumadaan sa manipestasyon ng pagkilos sa labas.
Kung hindi bumalik si Zsazsa upang harapin ang mga zombie, maituturing pa rin kaya siyang superhero?
Walang kabayanihan maliban sa mga pagkilos na nagpapakita ng kabayanihan. Walang kagandahan ng kalooban maliban sa mga kilos na nagpapakita nito. Ang nasa kalooban, lumalabas. Ang ipinalalabas, tumatagos sa kalooban. Kahit pa nga unti-unti, dahan-dahan.
Ang tanging silbi ng mahiwagang batong “Zaturnnah” (tulad ng maskara sa pelikulang “The Mask” ni Jim Carrey) ay patingkarin, palabasin ang kaibuturan ng kalooban ng isang nilalang. Kung kaya si Ada sa kanyang kaibuturan ay isang babaeng bakla (walang iba kundi si Zsazsa). Kung kaya ang ultra-peministang si Queen Femina, sa kanyang pag-uugali (sa kanyang kaibuturan), ay walang pinag-iba sa nakamihasnan o istiryotipiko na “male chauvinist pig.”
Sa katunayan, sa bandang huli, hindi kinakailangan ang anumang mahiwagang bato para lumabas ang kabayanihan. Hindi lang si Zsazsa/Ada ang nagpakita ng kabayanihan. Ipinakita rin ito ni Didi nang talunin niya ang mga zombie na lumalapastangan kay Dodong. Ipinakita ito ng pagkakaisa ng mga taumbayan na labanan at lipulin ang mga zombie na naglipana sa bayan nila.
Sa pag-aalala ni Ada sa pagkawala ng batong Zaturnnah na pinagmulan ng kanyang katangi-tanging lakas bilang Zsazsa, maganda ang naging tugon ni Dodong. Haharapin nila ang panibagong hamon sa pagdating nito. Kung may mga bagong dayuhan na magtatangkang silang sakupin, muli nilang pagtutulungang lahat (nina Ada, Didi, Dodong, Fr. Bernie, at mga taumbayan) na labanan upang matalo ang mga bagong mananakop na ito.
Para maging bayani, hindi mo kailangan ng dugo ng kung sinumang konde, o ng kung anumang batong galing sa labas. Malasakit sa bayan, tatag ng kalooban, pakikiisa sa taumbayan, at kahandaang makipaglaban para sa katarungan at kalayaan… sapat na ‘yan.
Dahil ang nasa kalooban, lumalabas. At ang ipinalalabas, tumatagos hanggang kalooban.
Kahit pa nga unti-unti, dahan-dahan.