isang eulohiya para kay Ramon Jose Leyran, sinulat noong Octubre 10, 2003.
—————————————————————–
Lamay: Pakikiramay, Buhay, Kamatayan
ni Michael Ian Lomongo
Kung di ako nagkakamali, nabuo raw ni Wency Cornejo ang kantang “Habang May Buhay” sa isang lamay. Kakaiba nga ang lamay ng mga pinoy: sa mga probinsiya, may pasugal (madyong, baraha, trembe), may inuman pa sa iba, may mga laro (juego de prenda), may kantahan, kwentuhan, tugtugan, may pakain din (kape, tinapay, biskwit, sopas, kendi, atbp.). Para ngang lagi tayong naghahanap ng dahilan para magkaroon ng selebrasyon.
Minsan, meron akong kababata at kaklase sa elementaryang namatay. Malalaki na kami nang maaksidente si Rhey sa motorsiklo. Natural, nagkita-kita sa lamay ang mga dating magkakaklaseng bihira nang magkasama-sama. Meron din kaming kaklaseng nasa ibang bansa noon. Tumawag siya (si Elna) sa telepono at nakibalita sa isa sa amin, at ang sabi niya: “Magkakasama kayo d’yan? E ‘di ang saya-saya n’yo!”
Hindi na siguro kakatwang makakita ng mga taong tumatawa habang tumutulo ang luha sa mga lamay. May lungkot dahil sa pangungulila sa isang kasama o kaibigang hindi na makakahuntahan o makakabiruan. May saya dahil may pasasalamat sa magagandang ala-alang pinagsaluhan ng magkakaibigan.