Ano nga ba ang isang tula?
Isang marikit na kasinungalingang binihisan. Isang katotohanang ipinararamdam lamang. Tanging sa pagpaparamdam lamang nito hindi nagiging kasinungalingan ang katotohanan. Isang katotohanang ‘singhalaga at ‘sintago ng miniminang yaman.
Sino nga ba ang nakakakita na, sa katotohanan, kulay-asin ang dagat?
Walang sinuman. Gayunpaman, nagpaparanas ito, wumawagayway, ipinapakita at sinasalamin ng mga binuo nitong bula ang kulay ng gasuklay na buwan. Nasa kanyang hiwaga ang higit niyang kagandahan.
Hindi maaaring tumambad sa atin ang tula nang hubad. Mga buto ng tula lamang ang taglay ng mga tulang hubad. At ano nga ba’ng mas papangit pa sa mga pawang kalansay lamang?
Ingatan, mga manunula, ang diwa ng tula: isang espinghe. Hayaan n’yong matuto silang bakbakin ito tulad ng balat ng kahoy… Ay, tulad ng dalandan! kaylinamnam ng itinatago nito sa loob ng kanyang mala-planetang kabilugan!
Ingatan ang inyong sarili, mga manunula, laban sa mga bungang walang-balat, mga dagat na walang-alat.
Kailangang umubra ang tula gaya ng sa banal na misa.
Kailan kaya darating ang manunula na hawak sa kanyang mga daliri ang tula gaya ng paring tangan-tangan ang ostiya at nagsasabing: “Ito ang Diyos!” at maniniwala tayo?
- Miguel Hernandez, spanish poet, 1910-1942 (Tagalog translation by Ron Capinding)