isang eulohiya para kay Ramon Jose Leyran, sinulat noong Octubre 10, 2003.
—————————————————————–
Lamay: Pakikiramay, Buhay, Kamatayan
ni Michael Ian Lomongo
Kung di ako nagkakamali, nabuo raw ni Wency Cornejo ang kantang “Habang May Buhay” sa isang lamay. Kakaiba nga ang lamay ng mga pinoy: sa mga probinsiya, may pasugal (madyong, baraha, trembe), may inuman pa sa iba, may mga laro (juego de prenda), may kantahan, kwentuhan, tugtugan, may pakain din (kape, tinapay, biskwit, sopas, kendi, atbp.). Para ngang lagi tayong naghahanap ng dahilan para magkaroon ng selebrasyon.
Minsan, meron akong kababata at kaklase sa elementaryang namatay. Malalaki na kami nang maaksidente si Rhey sa motorsiklo. Natural, nagkita-kita sa lamay ang mga dating magkakaklaseng bihira nang magkasama-sama. Meron din kaming kaklaseng nasa ibang bansa noon. Tumawag siya (si Elna) sa telepono at nakibalita sa isa sa amin, at ang sabi niya: “Magkakasama kayo d’yan? E ‘di ang saya-saya n’yo!”
Hindi na siguro kakatwang makakita ng mga taong tumatawa habang tumutulo ang luha sa mga lamay. May lungkot dahil sa pangungulila sa isang kasama o kaibigang hindi na makakahuntahan o makakabiruan. May saya dahil may pasasalamat sa magagandang ala-alang pinagsaluhan ng magkakaibigan.
Ganon din ‘pag sapit ng undas dito sa Pilipinas. Noong bata-bata ako, bahagi ng paglalaro namin ang pag-iipon ng tunaw na kandila. (Mga labi siguro ng praktikal na gawain ng pagre-recycle noong araw.) Magkikita ang mga magkakamag-anak sa puntod ng isang pumanaw na mahal sa buhay. May dalang bulaklak, kandila, at pagkain. Mistulang maliit na family reunion. Pero habang lumalaki ako, napansin ko ang paglago ng ingay (meron nang mga nagpapatugtog ng radyo! sa sementeryo!), pagdami ng mga tindero, at lalo pang pagkapal ng mga tao. At tulad ng mga lamay, nagkaroon na rin ng mga nagsusugal, nagkakantahan, at nag-iinuman. At dahil kasalukuyan ako noong nasa seminaryo, naiskandalo ako. Sa loob-loob ko, hindi na ‘to paggunita – kundi paglapastangan – sa mga patay. Isang sirkus. Isang perya.
Ngayong mas matanda na ako, nagkaroon ng pagbabago sa aking pananaw. Kahit na nanatiling kalabisan pa rin sa tingin ko ang pinaggagagawa ng iba kapag araw ng mga patay, mas naiintindihan ko na ngayon na para sa atin, ang patay ay nagsisilbing tagapagbuklod (ang kapatid na hindi mapatid-patid) at nag-uugnay sa ating mga nabubuhay. Kaya palaging nauuwi sa selebrasyon o pagdiriwang. Ang lamay, pakikiramay, o anumang paggunita sa namatay ay isang pagkakataon para tingnan – at pasalamatan – ang ating samahan at kapatiran.
—
Noong nakaraang sabado, sumakabilang-buhay si Ramon Jose Leyran, na mas kilala sa palayaw na “R.J.” Bangungot. Si R.J. ay isang aktor, isang mahusay na aktor. Isang alagad ng sining.
Una kong nabasa ang pangalan ni R.J. sa anunsiyo ng isang produksyon ng Dramatis Personae, isang adaptasyon ng “Metamorphosis” ni Franz Kafka. Gusto ko ang mga kuwento ni Kafka kung kaya ginusto kong mapanood ang nasabing dula. Sa kasamaang palad, nagkamali ako ng pagkakaalam ng petsa ng pagtatanghal kaya hindi ko napanood.
Nang maging scholar ako sa Tanghalang Pilipino Actor’s Company, nalaman ko na isa si R.J. sa mga dating miyembro nito. Isang gabi, habang nag-eensayo sa CCP conference room para sa isang scene study namin sa klase, “Gabun,” sumilip si R.J. at napakwento.
Makwento si R.J. Sa tatlong taong nakilala ko siya, napakaraming kwentong naibahagi niya sa akin at iba pang mga baguhan sa Tanghalan. Naikwento niya na “bully” daw si Kokoy noong alternate pa sila nito sa papel na Peter Pan. Naikwento niya kung paano siya pinuri ni Nonon Padilla sa produksyon ng TP ng “Ibon ng Lawa” (The Seagull) ni Anton Chekhov. Ginampanan niya si Treplev, at sa isang eksena, lumabas na si Nina, ngunit ‘di-sinasadyang naiwan o nahulog ang bandana nito sa entablado. Pinulot ito ni RJ bilang Treplev at buong lambing na hinagkan.
Matampuhin din si R.J. Bago ko pa siya nakilala, naririnig ko sa iba na nakakapagod daw ang pag-aangst-angst ni R.J. Madalas niyang banggitin na hindi siya mahal ni Nonon. Minsan, binati ko siya sa Penguin. Umiwas. Hindi ko raw siya pinansin noong binabati niya ako pagkatapos ng isang dula. Humingi ako ng paumanhin. Madali rin namang magpatawad si R.J.
Matulungin at masayang kasama si R.J. Agad siyang nagbibigay ng payo, lalo na kung tungkol sa pag-arte ang itatanong mo. Nag-fo-forward din siya ng text kapag may mga audition. Sa kanya ko unang nakita ang “Cool-a-Bang” (isang non-alcoholic drink) ng Penguin, habang nagsasalita ng “Well, well, well…”
Makata si R.J. Mapagmahal siya sa mga berso. Isa siya sa mga aktor na sa anumang panahon ay laging may memoryadong mga berso mula sa iba’t-ibang tula at mga linya ng mga karakter sa dula. At bibigkasin niya’t ibabahagi ang mga bersong ito nang buong rubdob.
Higit sa lahat, bukas ang puso’t kalooban ni R.J. Mainit ang kanyang pagtanggap sa mga tao. Sa maikling panahong nakilala ko si R.J., nasisilip ko ang maraming dahilan kung bakit hindi mapigilang lumuha ng kanyang mga naging malapit na kasama’t kaibigan sa teatro.
We’ll miss you, R.J.
—
Bangungot. Sa malawakang gamit ay nangangahulugan ng “masamang panaginip” o “nightmare” sa ingles. Pero ayon sa iba, hindi raw akmang isalin ang “bangungot” sa ingles bilang “nightmare.” Maari kang magising mula sa isang masamang panaginip. Hindi sa isang bangungot. Lagi raw nakamamatay ang bangungot. Kapag nagising ka sa isang masamang panaginip, hindi ito bangungot.
Bangungot? Pancreatitis habang natutulog, ayon sa medisina. Nananatiling misteryo kung bakit mga lalaking asyano sa liyebo trenta (30′s) ang kadalasang nagiging biktima nito.
Ayokong bangungutin. Gusto kong matulog. Gusto kong managinip. Pero ayokong bangungutin. Gusto kong mangarap, magising, at isakatuparan itong mga pangarap. Marami pa akong gustong gawin. Kaya ayokong bangungutin.
Habang pinag-uusapan ang kamatayan ni R.J., nabanggit ko kay Kokoy na ayokong mamatay nang natutulog o walang malay. Gusto kong mulat sa pagharap sa kamatayan. Siyempre, ayoko ng masakit o biyolenteng kamatayan.
My death wish: mamatay sa mga edad na isang daang taon o higit pa, malakas pa’t matino. Kapag ramdam ko na’ng papalapit ang kamatayan, magpapatawag ako ng isang party. Isang sending-off party. Despedida. Para naman marinig ko ‘yung mga eulogies, hahaha. (Sabi ni Kokoy, kawawa naman daw kung walang masabi ang mga panauhin.)
Tapos, wala nang kaba-kabaong. Gastos pa ‘yon. Diretso cremation na. (Pero siguro, pagkalipas pa ng ilang oras, baka kasi magka-extension, eh.)
—
Sana ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa ay hindi isang bangungot.
Magising na tayo!
ian
Tags: Acting, Actors, Art, Bangungot, Death, Filipinos, Kafka, Life, Ramon Jose Leyran, Tanghalang Pilipino, Theater
Kuya ko si RJ. On behalf of the family, maraming salamat.