isang tugon sa bukas na liham
mga dating kamanlalakbay sa seminaryo na ngayo’y mga pari na o padre de pamilya, at sa mga tulad kong single pa rin, at sa lahat ng mga kapatid at kapuso(d) na Pilipino sa Pilipinas man o sa labas ng bansa, kagabi, pagbukas ko ng inbox ko, nabasa ko ang isang mensahe na likha ng isang middle-class na nagbabayad ng buwis. iniuukol niya ito kina cory, mga maka-kaliwa, media, politiko, at ibang “mga bleeding hearts” na sa kanyang pahiwatig ay gusto lang i-bleed dry ang bayan natin.
nalungkot ako. gusto kong maluha. hindi ako mapakali. gusto kong sumagot. ganito na ba kababa ang ating narating? have we come so jaded that we fail to see the good intentions that come with what may be pathetic attempts to clean up this country?
pero natulog na lang ako. kasi, meron din naman akong gagawin. middle-class din ako. at kung hindi man ako nakapagbabayad ng buwis (na babasahin bilang tanda ng aking pagiging walang-silbi, walang pakinabang na mamamayan na mahilig lang manggulo at hilahin pababa ang ating bansa), iyon ay dahil kakarimpot at hindi regular ang aking kita bilang aktor, manunulat, at iba
pa.
may deadline ako. kailangan kong sumulat ng review (o analysis) ng zsazsa zaturnah ze muzikal para sa itinatayo naming art paper. wala akong kikitain sa
gagawin kong ito dahil susugal kami. habang wala pang kita, for the love of muna.
ipinalangin ko na sana may sumagot sa bukas (raw) na liham na higit na magpapakita ng pagakabukas ng isipan, puso, kalooban.
salamat, enteng romano. napaka-eloquent. mabuhay ka! (kapangalan mo ang aming patron na si san vicente de paul, patron ng pagkakawang-gawa…)
ifinorward ko na sa inyo. sana basahin nyo.
dangan lang, at nabuksan ko rin ang mga komento ng mga dati kong kasamahan sa seminaryo. at napaiyak na nga ako.
ang sama-sama ng loob ko.
mabuhay ka rin ferdie maglalang at ipinagtanggol mo ang media, hindi lahat ng mamamahayag ay binulag na ng salapi at impluwensiya. salamat ferdie.
ang sama-sama ng loob ko.
ang sama-sama ng loob ko, jeff. ganon na ba talaga? lahat maiuuwi na lang sa pera-pera?
totoo, lahat tayo gustong kumita. pero hanggang don na lang ba?
ang sama-sama ng loob ko. at uulitin ko ang narinig kong binasang papel sa isang konperensya sa pilosopiya sa ateneo ilang taon na ang nakakaraan. mula yata ito
sa liham ng isang aktibista sa kanyang mga magulang: ”bakit kailangang laging mauwi ang lahat sa pera?”
Why does it all have to about the money?
wala namang masama sa pagkakaroon ng pera, sa pagiging mayaman.
ako, gusto kong yumaman. gusto kong magka-kotse (gusto kong matutong mag-drive.) gusto kong kung makiki-cr ako sa starbucks, hindi ako haharangan ng security guard at sasabihan akong kailangan ko munang bumili ng overpriced coffee nila bago makagamit ng cr.
pero minsan ‘yang yaman, kung hindi man nakakabulag, nakakalabo ng paningin.
dahil nakakotse ka, baka hindi mo mararanasang sumabit sa jeep o maghabol ng fx, o mangamba sa tuwing me nagbabantang strike.
dahil naka-cable o satellite dish ka, baka hindi mo napupulsuhan ang pinapanood ng masa sa free tv tulad ng wowowee at “jewel in the palace.”
dahil naglalaro ka ng golf, baka hindi mo napupuntahan ’yung mga bilyaran sa kanto o pa-dart-an sa mga eskinita.
baka masyado ka nang naging komportable sa air-conditioned rooms mo, o toreng garing mo, kapiling ang mga jewels mo sa loob ng iyong palace.
subukan mong maglakad minsan, sumakay uli ng jeep o bus na hindi aircon, masdan ‘yung mga batang kalye na namamalimos at marahil bigyan ng kendi o tinapay dahil ayaw mong kunsintihin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera ang kanilang pagdodroga.
subukan mong kausapin ‘yung mas tahimik pa sa’yo, dahil wala silang computer o pang-internet connection.
kapag pumanig ka ba sa masa, na ang ilan, ang taglay pa lang na pangarap ay maipangtawid ‘yung araw-araw na pagkain at pamumuhay, komunista ka na?
paano na ‘yung tinuro sa atin sa seminaryo? ‘yung aral ni enteng (san vicente de paul)?
kung komunista ang magsumikap na magkaroon ng malasakit sa makahulugan at harinawa, totohanang pagbabago sa ating lipunan… e marami pala akong
kaibigang komunista… baka ako komunista na rin, hindi ko lang alam…
ano ba ang kulay ng balat ng komunista? (pula?)
ano ba ang amoy ng utot ng komunista?
pero mabuti pang komunista kesa pasista!
si enteng (san vicente de paul), komunista?
ako, simpleng mamamayan din lang naman ko. gusto ko ang aral ng mga awit nina joey ayala, gary granada, buklod, the jerks, the wuds.
gaya nyo, gusto ko ang kapakanan ng ating inang bayang pilipinas.
hindi pa rin naman ako nakakasama sa mga rally sa ngayon. pero ginagawa ko kung ano pa lang ang aking kaya. mag-forward ng emails kontra gloria. magsuot ng t-shirt na anti-gloria.
isa sa mga pinanghihinayangan ko noong 1986, ay ang pagkakakulong ko sa seminaryo pebrero 22-25. 2nd year high school ako at hindi pinayagan ang minor seminary na sumama sa mga theologians at major seminarians. hindi ako nakapunta sa edsa 1. pero kapiling ako sa diwa. nang ipakita ni fr. lopez ang headline ng inquirer na “marcos flees!”, nagsasayaw din ako sa pasilyo ng seminaryo.
gaya nyo, hindi pa rin ako pinanghihinawaan ng loob sa pilipino.
ang ganda-ganda ng kalooban ng pinoy, bakit ang pangit-pangit ng ating gobyerno?
have we come so jaded that we really think that we can do no better than gma?
tumututol ako. pagtutol mula sa kaibuturan ng kalooban ko.
we can do better. let’s not be indifferent, or apathetic, or resigned to Gloria. Let Gloria Resign instead.
si zsazsa zaturnah hindi lang nagwagi dahil sa superpowers nya. nagwagi siya dahil, tinulungan at sinamahan siya nina didi, dodong, fr. bernie, at aling
britney.
“wala namang mangyayari eh.”
meron! kung kikilos tayo. ipahayag mo ang damdamin mo.
subukan mong magtanong-tanong, magmasid, makiramdam.
ang sagwa-sagwa ng pinaggagagawa ng ating gobyerno.
nakakalungkot dahil sa kabila ng mga saloobing aking naririnig, ‘yun nga… kailangang kumayod, magtrabaho, maghanap-buhay… kumita ng pera…
kailangan bang lagi na lang iuwi ang lahat… manatili at magtapos sa pera?
ganon na tayo ka-desperado.
wag naman sana…
mula sa kaibuturan ng aking puso,
ian lomongo
—
sobrang kapangyarihan
sobrang kayamanan
sobrang katakawan
ilan sa mamamayan
ang nasisigawan
“mga ganid! mga ganid!”
marami ang nagpapanggap
na makabayan
gumamit pa ng salitang kalayaan
ang demokrasya at kalayaan
ay nakasalalay sa ating kakayahan
na pigilin at kontrolin
ang pagnanasa at mga gawain
e ano ba sa tingin mo
ang magpapasaya sa’yo?
ito ba ang karangyaan sa pamumuhay,
maraming pera, magandang bahay, magarang kotse,
magandang asawa, sikat na sikat kasi may pangalan
pero NAKALIMUTAN ANG DIYOS…
- tHE wUDS
—-
wag kalimutan ang katapatan at katotohanan
wag kalimutan ang katarungan
wag kalimutan ang delicadeza
wag kalimutan ang palabra de honor
wag kalimutan ang kalayaan
wag kalimutan ang Diyos!