Panimulang Tala Ukol sa “Eros at Agape” ni Emerson “Ogie” Salmorin
Noong una kong makilala si Ogie, nahinuha ko agad na isa itong taong ubod ng libog. “Bang-libog!” ika nga. Patunay ang malimit na temang tinatalakay ng kanyang mga akdang sining, mga hubad na katawan na kung minsan ay eksaherado pa ang maseselang bahagi. Bukod dito, giliw na giliw ako sa kanyang likhang awit na pinamagatang “Ang Aking Ting-a-ling.” Muli, indikasyon ng isang taong “bang-libog.”
Ngunit huwag sanang masamain ang aking pagturan at pagtingin kay Ogie bilang isang taong “malibog.” Sa katunayan, may kanta dati si DJ Alvaro na ang tipo raw niyang lalaki ay yung maginoo pero medyo bastos. Hindi ako gaanong sang-ayon sa kabalintunaang ipinahahayag dito. Higit na katanggap-tanggap sa akin yung “maginoo at ubod ng libog.” Ang kabastusan kasi ay nagpapahiwatig ng kawalan o kakulangan ng paggalang. Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng libog (kahit pa siksik, liglig, at umaapaw) ay hindi agad-agad na maitutumbas sa kakulangan o kawalan ng respeto.
Sa eksibit na pinamagatang “Eros at Agape,” muling binabalikan ni Ogie ang mga hubad na katawan bilang paglalarawan ng iba-ibang anyo at antas ng pag-ibig at pagmamahal. Nariyan ang “Eros,” masidhing pagnanasa, pagnanais, pag-ibig, libog… Nguni’t hindi rin naman pinagwalang-bahala ang “Philia” (pagkakaibigan) at “Agape,” pagpapahalaga, pagmamahal, pagkalinga, pagkakaloob ng sarili hanggang sukdulan…
Sa pagkukuro ng mga dalubhasa sa larangan ng pag-unawa ng pag-ibig at pagmamahal, mahirap tahasang iwalay ang eros at agape sa buhay ng tao. Dahil tayo ay tao, lagi nang may kakulangan at pangangailangan hindi lamang ang ating mga katawan kundi maging ang ating pagkatao. At dahil dito, laging mababahiran ng eros. Ang eros ay hindi lang kahinaan ng tao; kaganapan niya rin ito. At kahit eros ay may eros din (masidhing pagnanasa) na igpawan ang kanyang pagiging eros lamang… upang tumulay, manganak at magbigay-buhay… sa agape.
Sa madaling salita (kahit pa may kindat at paglalaro ng dila): “Hubu!”
- Michael Ian Lomongo, Setyembre 25, 2011